Sa layuning masugpo ang ilegal na droga, patay ang isang barangay chairman nang tambangan at pagbabarilin ng apat na armado sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng hapon.
Dead on the spot si Prolly Prolo, 42, residente at Punong Barangay ng No. 317, 2nd Street, 4th Avenue, Barangay 118 BMBA Compound ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report ni SPO2 Frederick Manansala, dakong 3:45 ng hapon, nakikipag-inuman si Prolo sa kanyang mga kaibigan sa harapan ng isang junk shop sa No. 9 Baltazar St., 6th Avenue, Bgy. 53, Caloocan City.
Makalipas ang dalawang oras bigla umanong dumating ang apat na lalaki na sakay sa dalawang motorsiklo at ipinarada ang kanilang mga motor sa gilid ng pader.
Nagtanong pa umano ang mga suspek sa nag-iinuman kung sino si Chairman Prolo at nang sumagot ang biktima ay agad siyang pinaputukan ng apat.
Sa takot ng mga kainuman, yumuko na lamang ang mga ito, habang nagkanya-kanya ang mga suspek sa pagtakas.
Ayon sa pamilya ng biktima, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang insidente dahil marami na umanong ipinakulong na drug pusher si Prolo. (Orly L. Barcala)