“STATE of national emergency on account of lawless violence” ay siyang isang pahinang proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Digong bago siya magtungo sa Laos. Ang layunin nito, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, ay labanan ang terorismo. Pagpuga ng mga preso, pagpugot sa mga bihag at ang pagpapasabog sa isang palengke sa Davao na pumatay ng 15 katao ang nagsilbing batayan ng proklamasyon. Inaatasan ng proklamasyon, wika naman ni Assistant Communications Secretary Christian Ablan, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng nararapat na hakbang na naaayon sa Saligang Batas upang lupigin ang lahat ng uri ng karahasan sa Mindanao at pigilin ang pagkalat nito sa bansa.

May batayang prinsipyo sa demokrasya na ang gobyerno ay hindi pwedeng idemanda. Immunity from suit, ang tawag dito.

Pero, kapag ang gobyerno ay nakipagtransaksyon sa pribadong indibiduwal at hindi sila nagkaunawaan, puwedeng idemanda o magdemanda ang gobyerno. Bumaba kasi ang gobyerno sa kategorya ng pribadong indibiduwal. Hinubad niya ang kanyang kapangyarihang maging malaya sa anumang gusot.

Ganito ang nangyari sa ating gobyerno nang magsimula itong pumatay ng mamamayan sa hangarin ng bagong administrasyong matupad ang ipinangako nitong susugpuin ang krimen at ilegal na droga sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Nang gumamit siya ng karahasaan at pumatay ng mga akala niyang kriminal at durugista, hinubad niya ang kanyang moral authority at ascendancy sa taumbayan. Bumaba siya sa lebel ng mga sinasabi niyang kriminal at durugista. Wala na siyang ipinag-iba sa nga ito. Mayroon pa ba tayong maaasahang ibang magaganap? Kung ano ang iyong itinanim ay siya mong aanihin.

Karahasan ang ginamit mo sa iyong pagnanais na matupad ang iyong layunin, kahit na ito ay pinakamaganda at pinakamabuti, karahasan din ang bubuwelta sa iyo.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Ang Diyos na patuloy nagpapala sa kasagsagan ng krisis

Sinusubok ngayon ang kakayahan ng gobyerno na lumaban nang sabayan sa pinasok niyang teritoryo ng mga sinasabi niyang kriminal. Nang salakayin ng mga armadong lalaki ang piitan para papugain ang kanilang mga kasamang nakakulong, pugutan ng Abu Sayyaf ang kanilang hostage at pasabugin ang palengke sa Davao, hinamon nila ang gobyerno kung hanggang saan ito tatagal sa laban. Para idepensa ang kanyang sarili, nagdeklara ito ng state of emergency due to lawless violence.

Sa ilalim ng demokrasya, ang gobyerno ay dapat nasa ibabaw ng kanyang mamamayan. Hindi ito kumikilos taliwas sa kanyang tungkuling siya ay instrumento nila para sa kanilang ikabubuti upang mapanatili ang kanyang moral authority at ascendancy. Hindi komo kriminal ang nilalabanan niya, dapat maging kriminal din siya. Ang ipinanlalaban niya ay batas. Gobyerno ito ng batas at hindi ng tao. Walang puwedeng ipalit dito sa hindi matatawarang prinsipyo para sa pangmatagalang kapayapaan. (Ric Valmonte)