Bagamat hindi kinansela ng Department of Education (DepEd) ang klase sa Davao City ngayong Lunes, hiniling ng kagawaran ang pinaigting na seguridad ng pulisya sa paligid ng mga paaralan sa siyudad, kasunod ng pambobomba sa night market ng lungsod nitong Biyernes ng gabi, na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng 71 iba pa.

“As classes in Davao City resume on Monday, September 5, we request for police visibility near our schools,” saad sa pahayag ng DepEd, kasabay ng apela sa mga opisyal at kawani ng kagawaran na manatiling alerto at mapagmatyag sa paligid.

Ang panawagan ng DepEd ay sa gitna ng pinaigting na seguridad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong bansa, kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng State of Lawlessness.

“We have instituted security measures in tourist destinations, malls, parks, academic institutions, public markets, and transport hubs,” sabi ni Police Regional Office (PRO)-6 Spokesman Senior Supt. Gilbert Gorero.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinumpirma naman ni Major General Harold Cabreros, commander ng 3rd Infantry Division ng Army na inaayudahan ng militar ang pulisya sa pagpapatrulya sa Panay Island, kasabay ng pagdadagdag ng sundalo sa matataong lugar sa mga isla ng Negros at Siquijor.

Sa Region 1, inatasan ng regional director ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng tauhan nito na sa halip na tutukan ang pagdakip sa mga pasaway na motorista ay paigtingin na lang ang seguridad sa mga bus terminal simula kahapon.

Inatasan ni LTO-1 Director Teofilo Guadiz ang lahat ng enforcer ng ahensiya na makipag-ugnayan sa mga hepe ng pulisya tungkol sa kinaroroonan ng mga pangunahing terminal sa rehiyon.

Magpapatupad ang LTO-1 ng malawakang pag-iinspeksiyon sa mga bus, gayundin sa lisensiya ng mga driver, habang mga pulis at mga tauhan ng bus company naman ang mag-iinspeksiyon sa bagahe ng mga pasahero.

Sa lahat ng ito, umaapela ang mga awtoridad ng buong suporta ng publiko laban sa terorismo sa pamamagitan ng agarang pagre-report sa pulisya o militar sa mga kahina-hinalang tao o aktibidad, bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad sa buong bansa.

“We’re appealing to everyone, this is not only a job of the police and military but the citizen will also play their vital role in initially detecting suspicious persons or any movement that will relate to crime,” sinabi kahapon ni PRO-13 (Northern Mindanao) Director Chief Supt. Rolando B. Felix.

May ulat nina Tara Yap at Mike Crismundo (CHARINA CLARISSE ECHALUCE at LIEZLE BASA IÑIGO)