NAGLAHAD ng isang kondisyon si President Rodrigo Roa Duterte kay US President Barack Obama tungkol sa posibleng pag-uusap nila sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit na idaraos sa Laos bukas, Setyembre 6. Iginiit ni Mano Digong na kailangan munang pakinggan siya ni Obama hinggil sa situwasyon kaugnay sa talamak na ilegal na droga sa Pilipinas bago sila mag-usap nang husto.
Makikipag-usap din siya kay Russian Pres. Vladimir Putin na kanyang hinahangaan. “Gusto ko si Putin... Meron kaming mga pagkakahawig,” sabi ng Pangulo. Nang tanungin kung ano ang pagkakahawig (similarities) nila, tugon ng machong Presidente: “Perhaps when it comes to girls.” Ibig sabihin ni RRD, pareho silang ladies man ng Russian leader. Tanong ng usiserong journalist: “Bakit, umiinom din ba si Putin ng viagra, tulad niya?”
Nais ni President Rody na bago sila mag-usap ng unang black president ng US, dapat ay makinig muna ito sa kanya bago buksan o talakayin ang isyu sa human rights sa ‘Pinas upang ganap na maunawaan ni Obama ang lawak at bagsik ng drug problem sa bansa. Handa raw siyang makipag-usap kay Obama na talakayin ang ano mang usapin tungkol sa bansa, kabilang ang problema sa ilegal na droga. Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Maaari ba niyang sabihan si Obama na bago sila mag-usap ng human rights issue, makinig ka muna sa akin?”.
Tandisang sinabi ni RRD na hindi siya magiging diktador tulad ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos. Ipinahayag ito ni Duterte noong Miyerkules habang dinirinig ang oral argument sa Supreme Court (SC) tungkol sa pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani. Pinagbibintangan siya na parang ayaw niyang pinupuna o binabatikos sa pamamaraan ng pamamahala, lalo na ang paglaban sa ilegal na droga.
Wala raw siyang plano na maging diktador. “They say I am doing a Marcos. Far from it. I am just doing my duty. Or else, I will compromise our next generation.” Inaakusahan si Duterte ng mga kritiko ng pagkagalit, pagmumura at paninira sa mga taong pumupuna sa kanyang drug war bilang tanda umano ng dictatorial tendencies. Nagbanta si RRD na ang ‘Pinas ay magiging isang “narco state” tulad ng Colombia, kapag hindi nasugpo ang problema sa mga bawal na gamot.
Binabanatan niya si Sen. Leila de Lima dahil hindi niya makalimutan ang umano’y pag-iimbestiga sa kanya sa Davao Death Squad (DDS) noong si Sen. Leila pa ang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) at siya pa ang Davao City mayor. Nag-iimbestiga rin ang komite ni Sen. Leila tungkol sa umano’y extrajudicial killings ng mga pulis.
Maging ang United Nations ay kinagagalitan din niya bunsod ng mga pagbatikos sa umano’y illegal drug crackdown dahil sa extrajudicial killings. “The United Nations is now running after me. Let’s just create our own group. They are meddling with our affairs.”
Mano Digong, saan tayo sasama o kakampi, sa China ba o sa Russia? (Bert de Guzman)