Ganap na pumasok bilang top seed ang Far Eastern University sa Shakey’s V-League Collegiate Conference makaang gapiin ang Ateneo sa straight set, 25-18, 25-19, 25-22, nitong Miyerkules sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sumampa ang Lady Tamaraws sa Final Four bilang top seed matapos umangat sa barahang 4-1, habang kinakailangan ng Ateneo na dumaan sa knockout kontra San Sebastian para sa ika-4 at huling semifinals slot .

Nakauna sa iskor na 21-13 ang FEU sa third set, bago humabol ang Lady Eagles at nagbanta pang humirit ng fourth set, 21-23 .

Ngunit, hindi natinag ang Lady Tamaraws at kinuha ang match point sa pamamagitan ni Heather Guino-o, bago pormal na sinelyuhan ni team captain Remy Palma ang panalo sa pamamagitan ng service ace.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang panalo ang una ng FEU kontra Ateneo sa nakalipas na apat na taon.

“‘Yun ang pinag-usapan namin nung Monday pa, kailangan kung gusto nilang talunin [ang Ateneo] simulan na ngayong araw, and binigay naman sa amin ni Lord kaya thankful kami,” ani FEU coach Shaq Delos Santos.

“Hindi lang physical ang ginawa naming pagpapa-kondisyon, yung mind din nila kailangan mag perform nang mabuti.”

Nagtapos na topscorers para sa FEU sina Palma at Toni Rose Basas sa ipinoste nilang tig-13 puntos habang nanguna naman si Ana Gopico para sa Ateneo na may 9 na puntos.

Sa Spikers Turf, nakopo ng La Salle at University of Santo Tomas ang semifinal berths sa magkahiwalay na panalo.

Ginapi ng Green Archers ang FEU, 20-25, 25-23, 26-24, 21-25, 15-8 para makuha ang No.2 seed, habang namayani ang Tigers sa Emilio Aguinaldo College, 25-20, 25-12, 29-27, para sa No. 2 spot sa Group B.