Nagawa mang makatakas ng isang lalaki na itinuturing na top drug pusher sa Maynila ang ikinasang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) laban sa kanya, napatay naman ng mga ito ang sinasabing kanang-kamay niya sa Pandacan, Maynila, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang napatay na suspek sa alyas na “Paulo”, tinatayang 35-40 taong gulang, katamtaman ang pangangatawan, at miyembro umano ng Sputnik Gang.

Si Paulo ang itinuturong kanang-kamay ni Joel Caneda, alyas “Douglas”, ng 1901-K Interior 57-B, Zamora Street, Pandacan, na tinutugis ngayon ng mga awtoridad.

Ayon kay SPO2 Charles John Duran, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:20 ng gabi nakasagupa ng mga pulis ang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation sa mismong bahay ni Caneda.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Tumayo bilang poseur buyer si PO1 Reineer Lacastre at nakipag transaksyon umano kay Caneda upang bumili ng P2,000 halaga ng shabu.

Sa kasagsagan ng transaksyon ay nahalata umano ni Paulo na pulis ang kanyang katransaksyon at kumaripas sa isang eskinita hanggang sa paputukan umano ng suspek ang mga pulis na masuwerteng hindi natamaan.

Dito na umano napilitang magpaputok ang mga pulis na naging sanhi ng pagkamatay ni Paulo.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver, mga drug paraphernalia at apat na plastic sachet ng shabu.

(Mary Ann Santiago)