Ilang brain toys o mga laruang idinisenyo para patalasin ang isipan ng mga bata ang natuklasang nagtataglay ng nakalalasong kemikal, mula sa recycled electronic waste (e-waste), na maaaring makapinsala sa utak at makabawas sa intellectual capacity ng isang tao.

Ayon sa watch group on chemical and wastes na EcoWaste Coalition, lumitaw sa pag-aaral na isinagawa ng IPEN, isang global civil society network na nagsusulong ng safe chemical policies and practices, at ng Arnika, isang environmental organization sa Czech Republic, na ilang Rubik's Cube-like toys mula sa 16 na bansa, kabilang ang Pilipinas, ang nagtataglay ng nakalalasong polybrominated diphenyl ethers (PBDEs) na tinatawag na OctaBDE at DecaBDE.

Nabatid na ang OctaBDE at DecaBDE ay mga brominated flame retardant chemicals, na ginagamit sa paggawa ng plastic casings ng electronic products.

Hinahadlangan ng mga kemikal na ito ang hormone systems ng tao at malubhang nakakaapekto sa pagdebelop ng utak o central nervous system at intelligence ng mga bata.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon sa EcoWaste, apat sa 10 sample ng Rubik's Cube-like toys na inangkat mula sa China, at nabili nila sa mga tindahan sa Maynila, ang ipinadala nila sa Czech Republic para sa laboratory analysis at natuklasang nagtataglay ng maraming OctaBDE at DecaBDE.

Ang OctaBDE ay matagal nang ipinagbabawal sa ilalim ng Stockholm Convention on persistent organic pollutants (POPs), isang international chemical treaty na niratipikahan ng pamahalaan noong 2004, habang ang DecaBDE ay inaasahang ipagbabawal na rin sa isasagawang pagpupulong ng POPs Review Committee ngayong Setyembre. (Mary Ann Santiago)