Hindi pa tapos ang usapin sa kontrobersyal na pork barrel fund scam.

Ito ang reaksyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales nang ihayag nito na isasailalim na nila sa preliminary investigation si dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Virgilio delos Reyes at tatlo pang mambabatas kaugnay ng kasong malversation.

Bukod kay Delos Reyes, kabilang din sa isasalang sa imbestigasyon ng Ombudsman sina Senator Gregorio Honasan II, dating Senator Jinggoy Ejercito Estrada, dating San Jose del Monte Rep. Representative Arturo Robes at limang iba pang opisyal ng DAR at Department of Budget and Management (DBM).

Sa isinagawang field investigation ng anti-graft agency, natuklasan nila na noong 2010-2011, naglaan ang DAR ng P220 milyon para sa livelihood at training project ng mga magsasaka sa 27 na bayan ng Isabela, Bataan, Pampanga, Bulacan, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Bataan, Quezon, Batangas, at Pangasinan.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sinabi ng Ombudsman na sa nabanggit na pondo ay aabot sa P20 milyon ang nanggaling sa regular fund ng DAR alinsunod na rin sa kahilingan ni Senator Honasan; P100 milyon ay mula sa 2011 Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Honasan; at ang natitirang P100 milyon ay nagmula naman sa regular fund para sa taong 2011, kung saan ang P50 milyon nito ay ipinalabas batay na rin sa hiling ni dating Senator Jinggoy Estrada at ang natitirang P50 milyon nito ay para sa mga proyektong inindorso ni DAR Undersecretary Jerry Pacturan. (Rommel Tabbad)