BIÑAN, Laguna — Nakumpleto ng Phoenix ang dominasyon sa Tanduay sa impresibong 87-78 panalo para masungkit ang PBA D-League Foundation Cup Huwebes ng gabi sa Alonte Sports Arena.

Hataw si tournament MVP Mike Tolomia sa naiskor na game-high 21puntos, tampok ang pitong free throw sa krusyal na sandali para makumpleto ang kampeonato sa kanilang best-of-three title series.

Nag-ambag sina Mac Belo at Ed Daquioag sa natipang 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Na-experience na namin before yung lalamang ng malaki tapos mahahabol. Kaya ngayon nag-stay together kami as a team sa depensa,” sambit ni Tolomia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matikas na nakihamok ang Rhum Masters sa final period kung saan nailapit nila ang iskor sa 63-66 mula sa three-point play ni Rudy Lingganay may walong minuto ang nalalabi sa laro.

Hindi naman bumigay ang Accelerators at nahila ang bentahe sa 75-65 mula sa magkasunod na jumper ni Tolomia. Tinangka ng Rhum Masters na gamitin ang foul para mapigil ang ratsada ng Accelerators, ngunit matikas na naisalpak ni Tolomia ang pito sa walong free throw sa final stretch.

Nanguna sa Tanduay si Jaymo Eguilos na may 16 puntos at anim na rebound, habang nag-ambag sina Reden Celda at Val Acuna ng 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Iskor:

Phoenix (87) - Tolomia 21, Belo 14, Daquioag 10, Escoto 9, Jose 9, Andrada 6, Mendoza 6, Inigo 5, Pogoy 4, Tamsi 3, Colina 0.

Tanduay (78) - Eguilos 16, Celda 14, Acuna 13, Alolino 13, Lingganay 10, Ferrer 7, Belencion 3, Gotladera 2, Javillonar 0, Mendoza 0, Santos 0, Tagarda 0.

Quarters:

32-17, 48-34, 65-56, 87-78.