May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Kinder grad, board passer ang peg dahil sa ipinagawang tarpaulin!

#BalitaExclusives: Kinder grad, board passer ang peg dahil sa ipinagawang tarpaulin!
Photo courtesy: InayBhengofBoracay08/TikTok


Graduation season na naman!

Kabi-kabila na ang pagfe-flex ng ilang nagsipagtapos ng kanilang toga pictures, medals, at ilan pa sa kanilang mga achievements.

Pero talaga namang kinatuwaan ng netizens ang isang kindergarten graduate sa lalawigan ng Aklan. Viral kasi ngayon ang pagpapagawa nito ng tarpaulin, na para bang nakapasa siya sa isang board examination!

Sa viral TikTok video na ibinahagi ni InayBhengofBoracay08 kamakailan, sinabi niyang pinagbigyan niya ang kaniyang anak sa request nitong handa at tarpaulin, dahil isang beses lang naman daw itong ga-graduate ng kinder.

Hindi naman napigilan ng netizens na ibahagi ang kanilang komento at reaksiyon patungkol dito.

“malayo pa pero mayabang na”

“tunog antibiotic name nya”

“okay. first and last na yan”

“This may be simple for others but will be a core memory para sa bata. Wishing you and your husband more blessings in life para maprovide niyo lahat kay little one ang mga bagay na gusto niya”

“good luck sa grade 1 be, mahirap mag color color dyan”

“malayo pa pero malayo pa talaga”

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa uploader na si Chanel S. Dologuin, 32-anyos na ina ni Anescilys Jay ‘Ilys’ S. Dologuin, 6-anyos ng Boracay, Malay, Aklan, ibinahagi niyang masaya at sobra daw ang pasasalamat ng kaniyang anak sa inihanda nilang pagkain at tarpaulin para dito.

Aniya, inspired daw ang pagpapagawa nito ng tarpaulin sa tita niyang nakapasa sa Philippine Nurses Licensure Examination.

“Nakapasa kasi sa board exam ang tita niya kaya siguro ang akala niya, lahat ng nakapagtapos kahit kinder, may pa-tarpaulin din,” saad ni Chanel.

Paglalarawan pa niya, masaya raw sila para sa anak dahil ito raw ‘yong klase ng bata na kayang gawin ang mga activity nang mag-isa.

Habang isinusulat ang artikulong ito, nakatanggap na ang nabanggit na viral video ng 2.6 million views, 396k hearts, 2,642 comments, at halos 61k shares.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho