Anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), kabilang ang leader sa pangingidnap sa apat na turista sa Samal Island, ang napatay habang 14 na sundalo naman ang nasugatan sa matinding bakbakan sa kagubatan ng Patikul sa Sulu, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Maj. Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), na bukod sa anim na napaslang sa Abu Sayyaf, nakatanggap din sila ng ulat na maraming ibang bandido ang nasugatan sa sagupaan, na sumiklab dakong 6:00 ng umaga kahapon.

Nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 4th Scout Ranger Battalion sa Barangay Bunkaong nang makaengkuwentro ng mga ito ang nasa 100 miyembro ng Abu Sayyaf sa Sitio Makaita.

Kabilang sa napatay si Mohammad Said, ASG sub-leader, na may limang arrest warrant sa murder.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The firefight lasted for 45 minutes. We also have 14 enlisted personnel wounded as a result of that firefight,” sabi ni Tan.

Sinabi ni Tan nitong Huwebes na daan-daan pang sundalo ang ipinadala sa kabundukan ng Sulu at Basilan upang tugisin ang mga natitirang miyembro ng ASG, kasunod ng direktiba ni Pangulong Duterte na durugin ang Abu Sayyaf matapos pugutan nito ang 19-anyos na bihag na si Patrick James Almodavar nitong Miyerkules.

Suportado naman ni Basilan Bishop Martin Jumoad ang nasabing direktiba ng Presidente laban sa Abu Sayyaf, ngunit idinagdag na ang “destroy” ay nangangahulugang dapat na “dismantled and apprehended” ang mga miyembro ng grupo at hindi papatayin.

“(But) if they fight the AFP must preserve and protect their lives too. The principle of self defense has to be observed,” sinabi ni Jumoad sa isang panayam. (AARON RECUENCO NONOY LACSONat LESLIE ANN AQUINO)