MgaLaro Ngayon

(San Juan Arena)

4 n.h. -- SSC vs UST

6 n.g. -- NU vs FEU

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Maipagpatuloy ang nasimulang pagwawalis sa elimination round ang tatangkain ng Far Eastern University sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa quarterfinal round ng Shakey's V League Collegiate Conference ngayon sa San Juan Arena.

Bitbit ang barahang 2-0 papasok ng carry-over quarterfinals, sasagupain ng Lady Tamaraws ang National University Lady Bulldogs na manggagaling naman sa straight sets win kontra University of Santo Tomas sa pagbubukas ng quarterfinal round nitong lunes.

Winalis ng Lady Tamaraws ang Group B eliminations upang pumasok na top seed sa quarterfinals.

Ngunit para kay coach Shaq de los Santos, hindi sila dapat maging kampante lalo pa't pataas na ang level ng kompetisyon.

"Gaya ng ibang teams, gusto rin naming mabigyan ng exposure yung mga players namin in preparation para sa UAAP. Pero gusto rin naming ma- maintain o mahigitan pa yung aming performance every game," pahayag ni de los Santos na muling sasandig kina Bernadeth Pons, Remy Palma at Toni Basas para pangunahan ang Lady Tams.

Hangad naman ng Lady Bulldogs ang masundan ang naitalang unang panalo sa quarterfinals upang mapalakas ang tsansang umusad sa Final Four round.

Ngunit, umaasa si coach Edjet Mabbayad na unti- unting mawawala ang masamang nakagawian ng kanyang team sa mga susunod nilang laro.

"Dapat magkaroon ng killer instinct, hindi ‘yung pag nakauna o nanalo ng set, magri- relax na," pahayag ni Mabbayad na hangad na mapanatili ang titulo ng conference.

Sa unang laro, katatagan ang nakataya sa pagsasagupa ng Tigresses sa San Sebastian College Lady Stags.

Nahulog sa ilalim ng standings, hawak ang barahang 0-3 pagkaraan ng natamong kabiguan noong Lunes sa simula ng quarterfinals sa kamay ng NU. Ang isa pang kabiguan ay mangangahulugan nang pamamaalam ng UST na makamusad ng semis.

Inaasahang sasandigan ng tropa ni coach Clint Malazo si Open Conference MVP Grethcel Soltones para pangunahan ang kanilang koponan kontra UST na kinakailangan naman ang pag-step-up ng kanilang mga beteranong players gaya nina Shannen Palec, Tin Francisco at Ria Meneses para makatuwang ang guest player na si Eya Laure. (Marivic Awitan)