BUKOD sa lead stars ng Doble Kara na sinaJulia Montes at Sam Milby, inabutan namin sa aming pagbisita sa location ng drama serye si Nash Aguas. Bagamat hindi siya ang bida gaya ng kanyang Bagito serye, walang anumang reklamo ang dating Goin’ Bulilit mainstay.
“Trabaho lang po talaga itong ginagawa namin and kailangan kapag may ‘binigay sa amin, tanggapin namin and gawin namin nang maayos,” malumanay niyang bungad.
Parehas raw sila ng ka-love team niyang si Alexa Ilacad na walang masyadong work load kaya naisisingit nila ang kanilang pag-aaral.
“Sa totoo nga po, kami po ni Alexa ‘yung humingi ng ganito, as in, hindi kami ‘yung bida. Kasi si Alexa, Grade 11 na po ‘tapos ako first year college. So, gusto namin mapagsabay ‘yung showbiz at pag-aaral, kasi kumbaga, hindi forever ‘yung showbiz so parang sayang din kapag… alam natin na ‘yung pag-aaral makakapaghintay pero sayang pa rin ‘yung mga times na dapat nakakapag-aral ka, Si Alexa and ako, hindi po namin iniisip kung sikat, yung parang ganu’n.
“Oo, siyempre, maganda kung sikat kasi lahat ng tao gustong sumikat pero more on ano po kami du’n sa project. Kung ano ‘yung magandang maibibigay namin du’n sa role. Kung maliit man po ‘yan o malaki, pare-parehas lang ‘yon. Ang importante po, nagawa mo nang tama ‘yung trabaho mo,” katwiran pa ni Nash.
Ang kahanga-hanga sa young actor, dream din pala niyang maging direktor pagdating ng araw.
“‘Yon po talaga ang gusto kong gawin. Pangarap ko kasi talagang maging director since bata pa, so gusto ko talagang mag-aral.”
Dahil sa kanyang ambisyon, kumukuha ng Filmmaking si Nash sa Meridian International College sa McKinley Hill. Si Direk Toto Natividad daw ang nagpayo sa kanya para mag-aral ng film directing.
“Kasi si Direk Toto po sobrang bait. Minsan humihingi siya ng suggestions sa akin. ‘Tapos ako, do’n ko nalaman na meron pala akong eye. ‘Tapos sabi niya, ‘Magaling ka, ah. Magdirek ka na lang.’ ‘Tapos ‘yon, do’n ko po nakita na puwede nga,” kuwento ng bagets actor.
Isang de-kalibreng aktor ang pangarap niyang maidirek someday, walang iba kundi si Coco Martin ng Ang Probinsiyano.
“Kasi nu’ng nagkita po kami nu’ng parang ending ng Bagito sa Dreamscape party, sinabi ko sa kanya na magdidirektor ako. Sabi niya, ‘Uy, maganda ‘yan.’ ‘Tapos sabi niya, meron daw siyang kino-conceptualize actually na project para sa aming dalawa na parang magkapatid (ang istorya).
“Pero ‘pag hindi raw ‘yon natuloy, sabi niya, ‘Gusto ko maidirek mo ako, magkatrabaho tayo, pero director ka,’ parang ganu’n. Nu’ng naging young Coco po ako noon, gusto na naming magkatrabaho ulit na hindi naman daw ako ‘yung young Coco. Kaya sobrang natutuwa po ako na gusto niya ulit akong makatrabaho,” masayang kuwento ni Nash. (ADOR SALUTA)