DAVAO CITY – Tatlong miyembro ng teroristang grupo na Ansar Al Khilafah Philippines (AKP) ang napatay sa pinag-isang operasyon ng militar at pulisya sa Sitio Lebe, Barangay Daliao, Maasim, Sarangani dakong 5:00 ng hapon nitong Sabado.

Ang AKP ay masugid na tagasuporta ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng bakbakan ang mga bangkay ng mga hindi pa nakikilalang miyembro ng AKP, gayundin ang isang carbine rifle, isang M79 grenade launcher, isang rifle scope, isang itim na watawat na may logo ng ISIS, at isang basyo ng M203 grenade ammunition.

Ang mga napatay ay napaulat na mga tauhan ni Mohammad Jaafar Maguid, alyas Tokboy, ng AKP.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ini-report ng mga residente sa awtoridad ang presensiya ng nasa 17 armado sa lugar, at napaulat na kabilang sa grupo ang ilang dayuhan.

Nauna rito, dakong 4:25 ng hapon, ay naaresto ng pulisya at militar si Mustapha Gansing, at nasamsam mula sa kanya ang isang UZI machine pistol na kargado ng magazine, at iba’t ibang subersibong dokumento na naglalaman ng mga lecture tungkol sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Kakasuhan si Gansing ng ilegal na pag-iingat ng baril at mga pampasabog sa Saranggani Regional Trial Court.

(YAS OCAMPO at FER TABOY)