CAMP DANGWA, Benguet – Patay ang isang ama matapos siyang barilin ng shotgun ng sarili niyang anak sa Bangued, Abra, iniulat ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera.

Sa report ng Abra Police Provincial Office, dakong 5:45 ng hapon nitong Linggo nang umuwi sa kanilang bahay si Reynaldo Almazan Bayle, 58, sa Barangay Calaba, Bangued, na lasing na lasing.

Sa imbestigasyon, bigla na lang umanong nagwala si Bayle sa hindi pa malamang dahilan, kumuha ng kutsilyo at inaway ang dalawang anak na noon ay nasa bahay.

Ayon sa suspek na si Reynante Bayle, 27, sinugod siya ng ama na may hawak na patalim kaya mabilis siyang tumakbo sa kanyang kuwarto at kinuha ang pistolized niyang 12-gauge shotgun at binaril ang ama.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Isinugod nila ang biktima sa Abra Provincial Hospital pero idineklara itong dead on arrival dulot ng mga tinamong bala ng shotgun sa katawan.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Bangued Municipal Jail.

Samantala, isa namang Indian ang namatay sa saksak sa Baguio City.

Natagpuan ng mga operatiba ng Baguio City Police Office-Station 1 si Sukhwinder Singh na duguang nakabulagta sa kalsada sa Bgy. Quezon Hill Proper, dakong 6:15 ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Singh, habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

(Rizaldy Comanda)