Wala sanang baha at maiiwasang maparatangang kurakot ang mga city engineer kung mayroon lamang sistematikong flood control project sa Metro Manila.
Ito ang lumitaw sa pulong ng mga kinatawan ng iba’t ibang government agencies at local government units (LGUs), kung saan sinasabing hindi sana malala ang problema sa baha, lalo na sa Quezon City, Rizal at Bulacan kung may proyektong napapangasiwaan ng mahusay.
Una nang nabatid na hindi nakakaresolba ng problema ang ‘unmatched infrastructure designs’ at hindi sistematikong ‘engineering methodologies’. Ito rin umano ang pinag-uugatan ng pambibintang na kurakot ang mga government engineers.
“We have been always branded unfairly as crooks. But in reality the overlapping of projects and the unsynchronized way by which they are constructed are the main cause of this wrong public perception,’’ ayon kay Joselito Cabungcal, hepe ng QC Engineering Office.
Samantala malalapatan umano ito ng lunas kung gagawing regular and koordinasyon at pulong ng mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at LGUs. Sa sabayang paglulunsad ng inaral na proyekto laban sa baha, maiiwasan din umano ang pagsasayang ng bilyong pisong pondo. - Chito A. Chavez