RIO DE JANEIRO – Mula sa 13 atleta, limang Pinoy na lamang ang nalalabi at magtatangka na pantayan hindi man mahigitan ang silver medal ni Hidilyn Diaz sa weightlifting, may 10 araw ang nalalabi sa Rio Olympics.

Nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila), tulad ng inaasahan talsik si Jasmine Alkhaldi sa heat ng women’s 100m freestyle sa Olympic Aquatics Center.

Para sa nalalabing atleta, ang tagumpay ni Diaz ang magsisilbing inspirasyon sa kanilang pagsabak para sa katuparan ng pangarap ng sambayanan.

“Good luck and enjoy the moment. Enjoy being one of the very few Filipinos competing in the Olympics,” paalala ni Alkhaldi.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Kung may karapat-dapat na magbigay ng lakas ng loob sa nalalabing Pinoy, ito’y ang huling habilin ni Diaz bago tumulak pabalik ng bansa ang 25-anyos na lifter mula sa Zamboanga City.

Maging si Chef-de-mission Jose Romasanta ay inspirado ring magbigay ng lakas ng loob sa atletang Pinoy.

“Inspired by Hidilyn’s medal feat and heeding her call, ‘Walang bibitiw. Laban lang’,” pahayag ni Romasanta.

“We don't want to put pressure on our remaining bets but another medal of any color will give the Philippines its best ever finish in the Olympics,” aniya.

Nakamit ng Pilipinas ang pinakamatikas na kampanya sa Summer Games noong 1932 kung saan nagwagi ng tatlong bronze ang Pinoy mula kina Simeon Toribio sa men’s high jump, Jose Villanueva sa men’s boxing (bantamweight) at Teofilo Yldefonso sa men’s 200m breaststroke.

Sa nakopong silver medal ni Diaz, anumang medalyang masungkit ng nalalabing limang atleta ay sapat na para malagpasan ang naging kampanya ng Pinoy sa Olympics may 84 na taon na ang nakalilipas.

Sisimulan ni golfer Miguel Tabuena ang laban sa golf simula ngayon, habang si marathoner Mary Joy Tabal ay nakatakdang tumakbo sa Aug. 14; habang sina long jumper Maresttella Torres Sunang at 400m hurdle bet Eric Cray ay nakatakda sumabak sa Aug. 16; at si Kirstie Elaine Alora sa taekwondo ang huling sasalang sa Agosto 20.