Love triangle at isyu sa droga ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa kaso nang pagpatay ng dalawang ‘di kilalang lalaki sa isa umanong miyembro ng ‘Sigue-sigue Commando Gang’ sa Tondo, Manila, kamakalawa ng hapon.

Dead on the spot ang biktimang si Hasan Husen, 42, ng 2184 Batangas St., Tondo, Manila bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Samantala, ang unang suspek ay inilarawang nakasuot ng jacket na itim, maong pants, itim na bull cap at pulang sapatos, habang ang ikalawang suspek naman ay inilarawang nakasuot ng puting t-shirt, itim na shorts, itim na bull cap, neon green na tsinelas, at may dalang sling bag na nakatago sa loob ng suot nitong itim na jacket.

Sa ulat ng imbestigador na si PO3 Bernardo Cayabyab sa kanilang hepe na si Police Sr. Ins. Rommel Anicete, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na naganap ang krimen dakong 2:15 ng hapon nitong Martes sa 1119 Old Antipolo St., malapit sa kanto ng Laguna Extension, sa Tondo.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Kararating lang umano ng biktima sa naturang lugar at ipinaparada ang kanyang motorsiklo nang bigla na lang itong pagbabarilin ng mga suspek, bago tuluyang tumakas.

Ayon kay Cayabyab, nakakalap sila ng impormasyon mula sa mga residente na tumangging magpakilala sa takot na balikan sila ng mga suspek, na posibleng may kinalaman umano ang pamamaril sa love triangle at isyu sa droga.

Nakakuha rin umano sila ng case folder mula sa MPD-Station 7, na siyang nakasasakop sa lugar, at lumilitaw na una nang nakasuhan ang biktima dahil sa pag-iingat ng deadly weapon noong nakaraang taon. (Mary Ann Santiago)