Siniguro ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makakapagsingit ng mga pansariling interes ang mga kongresista sa gagawin nilang bagong Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass).
Sakaling ipagpilitan umano ng mga kongresista “ang kanilang kalokohan”, binigyang diin ng Pangulo na isasara nito ang Kongreso.
“Sabihan ko talaga sila (lawmakers) huwag iyan kasi ‘pag pinilit ninyo iyan, sasarahan ko itong Congress, huhulihin ko kayo lahat,” ayon sa Pangulo, sa kanyang speech sa courtesy call ng Pastoral Parish Council for Responsible Voting (PPCRV).
Kasabay nito nanawagan ang Pangulo sa publiko na huwag katakutan ang mga kongresista sa Con-Ass.
“You can tell by the track records that they have. They have been elected, reelected, reelected. If ang acceptability nila sa tao ganun, so who are we to judge that they are not competent?,” ayon sa Pangulo.
Siniguro din ng Pangulo na babantayan nito ang pagbalangkas sa bagong Konstitusyon. “Ang kanilang product will have to be submitted to us for a plebiscite and for all the time that they’ll be crafting a new Constitution, I am here,” ayon sa Pangulo.
Sa bagong Konstitusyon, inaasahan ang pagbabago ng sistema ng gobyerno patungong pederalismo.
Sa Senado, sinabi ni dating Senador Aquilino ‘Nene’ Pimentel na mananatiling federal capital ang Metro Manila.
Apat na estado ang sa Luzon na bubuuin ng Northern, Central, Southern Luzon at Bicol; apat sa Visayas, Eastern, Central, at Western Visayas; bagong grupo naman ang kakatawanin ng Mindoro, Palawan, Romblon at Marinduque dahil malapit sa Visayas; tatlo mula sa Mindanao—ang Northern at Southern Mindanao, at ang federal state ng Bangsamoro.
(Elena Aben at Leonel Abasola)