Nina ROY C. MABASA at GENALYN KABILING

Pinayuhan ng gobyerno ang mga mangingisdang Pinoy na pansamantala ay huwag munang mangisda sa mga pinagtatalunang lugar sa West Philippine Sea/South China Sea, partikular na sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc/Panatag Shoal), hanggang sa maayos ang isyu ng fishing rights sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa China.

Ito ang ipinabatid ni Department of Foreign Affairs Spokesperson Charles Jose sa panayam ng mga mamamahayag sa sidelines ng 2nd Manila Conference on the South China Sea na ginanap noong Martes ng gabi sa Manila Hotel.

Ito ay kasunod ng mga ulat na naglabas ang Supreme Court ng China ng desisyon na mahaharap sa isang taong pagkakakulong ang sinumang mahuhuling illegal na nangingisda sa kanilang mga tubig sa South China Sea.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Jose, sa isang pahayag na inilabas kasunod ng PCA award, nananawagan si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. sa lahat ng partido na maging mahinahon at huwag maging pasaway.

“The call includes Filipino fishermen because we know that China has already occupied Scarborough Shoal so we might as well wait for the issue to be cleared and how our fishermen can go back to fishing without being subjected to any form of harassment,” diin niya.

Sinabi ni Jose na mababa ang posibilidad na may maaarestong Pinoy sa illegal fishing dahil karaniwan naman silang nangingisda sa loob lamang ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Kaugnay nito, nilinaw naman kahapon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ipinagbabawal ang commercial fishing sa Scarborough Shoal at tanging maliliit na mangingisda ang pinapayagan dito bilang bahagi ng pagpoprotekta ng gobyerno sa lugar.

“Scarborough is really just for artisanal fishing. Basically, artisanal fishing and it should be left alone by those who are engaged in commercial fishing, sabi ni Abella sa press briefing sa Malacañang.

Gayunman, sinabi ni Abella na wala naman talaga maging ang maliliit na mangingisda na dumadayo sa Panatag Shoal dahil napakalayo na nito.

Nang tanungin kung ipinagbabawal ng gobyerno ang pagtungo sa Scarborough kasunod ng desisyon ng Supreme Court ng China, sinabi ni Abella na: “It’s not that we’re not allowing our fishermen to go there. We’re simply saying that there are certain kinds of fishermen who are allowed and who should be there and can’t fish inside, those are the artisanal fishers. But at the distance, basically they’re hardly any at all, artisanal fishers.”

Bukod sa limitadong pangingisda sa Panatag Shoal, sinabi ni Abella na isa pang proteksyon sa mga mangingisdang Pinoy ang 12-nautical mile limit sa Scarborough Shoal. Hindi na siya nagbigay ng detalye.