Nauwi sa kamatayan ang lihim sanang pagpapa-abort ng isang hindi pa nakikilalang babae na iniwang walang buhay ng mga nagsabwatan para maalis ang sanggol sa kanyang sinapupunan sa loob ng isang inn sa Pasay City nitong Linggo ng gabi.

Inilarawan ng Pasay City Police ang nasawi na nasa pagitan ng 18-25 anyos, may taas na 5’2”, hanggang balikat ang kulot na buhok at may braces sa ngipin.

Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong 7:00 ng gabi nitong Linggo nang madiskubre ang bangkay ng babae sa loob ng Room 306 ng Maranao Lodge sa panulukan ng F. Angeles Street at Taft Avenue ng stay-in cashier na si Dawn Sarbues.

Sinabi ni Sarbues sa pulisya na kasama ng babae ang isang lesbian nang mag-check in sa inn dakong 3:15 ng hapon nitong Hulyo 29, at sinabi ng biktima na tatlong tao pa ang darating sa establisimyento.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Makalipas ang 30 minuto, dumating ang isang babaeng nasa edad 65-70, isang babae at isang lalaki, at dumiretso ang mga ito sa Room 306.

Makalipas ang dalawang araw, binisita ni Sarbues ang nag-iisa na lang na babae upang tanungin kung mag-e-extend ito hanggang natuklasang patay na ito, na natatakluban pa ng kumot.

Ayon kay Sarbues, nakakabit pa ang placenta sa ari ng bangkay nang madiskubre ito.

Sinabi ni Sarbues na ilang beses na naglabas-pasok sa kuwarto ang mga kasama ng babae sa unang gabi nito sa establisimyento, pero hindi niya matandaan kung anong oras umalis ang mga ito.

Natagpuan ng pulisya sa silid ang ilang gamot, kabilanga ang Hemostan, na pampaampat ng pagdurugo, Biperiden HCI na gamot sa Parkinson’s disease, at Zuredel na pampakalma naman.

Nakalagak ngayon ang bangkay ng babae sa Rizal Funeral Homes habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.

(MARTIN A. SADONGDONG)