TUMATAAS ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa pananaw nila sa kalidad ng sarili nilang buhay at ng kalagayan ng ekonomiya ng bansa sa kabuuan.

Mula sa net +40 noong Disyembre 2015, tumaas ang personal na kumpiyansa sa +46 – “very high” – sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 24-27, 2016. Pinakamataas ang kumpiyansa sa gobyerno ng mga taga-Metro Manila, nasa +56; kasunod ang Mindanao, +54; Visayas, +42; at ang iba pang bahagi ng Luzon, +42.

Sa isang hiwalay na survey tungkol sa mga inaasam para sa ekonomiya, naitala ang +56 nitong Hunyo, tumaas mula sa +30 noong Disyembre. Ang pinakamataas na antas ng kumpiyansa sa pambansang ekonomiya ay naitala sa Mindanao, +65; kasunod ang Metro Manila at ang iba pang bahagi ng Luzon, parehong +50; at Visayas, +32.

Ang survey nitong Hunyo ay ang unang isinagawa sa panahon ng bagong administrasyong Duterte at sinasalamin ang malaking tiwala ng mamamayan sa mismong Pangulo. Ilang araw matapos siyang manumpa sa puwesto noong Hunyo 30, natuklasan sa survey ng isa pang poll group, ang Pulse Asia, na 91 porsiyento ng mga Pinoy ang nagkumpirma ng “big trust” sa Presidente, at wala—sa 0.2 porsiyento—ang hindi nagtitiwala sa kanya.

Ang matataas na bilang na gaya nito ay karaniwan na sa isang nagsisimula pa lang na administrasyon at inaasahang mababawasan sa paglipas ng mga buwan at taon, kasabay ng pagharap ng gobyerno sa napakaraming hamon at problema at kabiguang matamo ang mga target at maipatupad ang mga ipinangako. Matatandaang ang administrasyong Aquino ay nagsimula rin na may matataas na survey ratings, dulot ng matinding pag-asam sa pagbabago ng mga bumoto sa kanya sa halalan noong 2010.

Mayroong mga senyales na posibleng iba ang administrasyong Duterte sa mga nakalipas na gobyerno. Labis ang naging epekto ng kampanya nito laban sa droga—maraming opisyal at kilalang personalidad ang inakusahan at nabunyag, daan-daang pinahihinalaan ang napatay, daan-daang libo ang sumusuko upang aminin ang kanilang pagkagumon at humihiling na maisailalim sa rehabilitasyon. At unang buwan pa lamang ito ng administrasyon.

Nakatuon ngayon ang atensiyon sa maraming iba pang problema, na ang ilan ay inilahad niya sa kanyang State of the Nation Address. Subalit nagsusulputan na ngayon ang iba pang mga suliranin. Ang panukalang umento sa mga pulis ay hindi maaaring agad na maisakatuparan dahil sa kakapusan ng pondo. Ang hinahangad na kasapatan sa produksiyon ng bigas ay kakailanganing ipagpaliban ng isa hanggang dalawang taon. Posible ring hindi agad na mabigyang katuparan ang inaasam na kapayapaan sa mga rebeldeng Komunista dahil hindi maipatupad ng New People’s Army ang tigil-putukang una nang iniutos sa Sandatahang Lakas. Isang Constitutional Assembly (Con-Ass), sa halip na Constitutional Convention (Con-Con), ang idaraos upang amyendahan ang Konstitusyon dahil ang Con-con ay maaaring abutin nang ilang taon at maging magastos.

Maaaring mabawasan ang suporta sa administrasyong Duterte mula sa ibang sektor dahil sa mga nabanggit na sitwasyon at sa iba pang dahilan. Sa mga susunod na survey, maaaring bumaba ang ratings gaya ng nasaksihan sa mga nakalipas na administrasyon. Ngunit patuloy tayong umaasa na makikita ng bansa ang napakalawak na larawan ng pagbabago at pambansang kaunlaran. At patuloy sana tayong magpaabot ng suporta sa mga pagbabago at pagsulong na ito, bagamat hindi ito mangyayari sa mabilis na panahong gaya ng inaasahan natin.