TUNIS, Tunisia (AP) – Nagpasa ang parliament ng Tunisia ng vote of no confidence kay Prime Minister Habib Essid, na epektibong nagbubuwag sa gobyerno nito.
Ipinasa ang no-confidence motion ng 118 boto, lagpas sa kinakailangang 109 boto, matapos ang isang oras na debate na umabot hanggang gabi.
Ang Tunisia ang natatanging bansa na matagumpay na nakalipat sa parliamentary democracy kasunod ng mga pag-aaklas na yumanig sa Arab world noong 2011 ngunit hinamon ang katatagan ng politika nito sa gitna ng mga pag-atake ng mga jihadi, mataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho at kaliwa’t kanang mga strike.
Bago ang botohan, sinabi ni Essid na gagawin niya ang lahat para sa matiwasay na paglilipat ng kapangyarihan.