Ano ba ang batayan para sa pagpili ng mga miyembro ng National Team?

Ito ang malaking katanungan na hinahanapan ng kasagutan ni Southeast Asian Games gold medalist Alfie Catalan sa Integrated Cycling Association of the Philippines (PhilCycling).

Ikinadismaya ng 34-anyos veteran internationalist ang aniya’y walang kongkretong dahilan sa kanyang pagkakasibak sa national track cycling team.

Ayon kay Catalan, nagtitiis siya sa araw-araw ng pagsasanay kahit walang natatanggap na allowance mula pa noong Mayo sa pag-aakalang na-delay lamang sa Philippine Sports Commission (PSC), ngunit, ikinabigla niyang malaman na wala na pala siyang dapat asahan dahil hindi na siya kasama sa line-up na isinumite ng Philcycling sa PSC.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sana man lamang, sabihin nila kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ako inalis sa national team. Hindi naman mahirap yun. Ang masakit, malalaman mong wala ka nasa sa team na hindi mo alam kung ano ang dahilan,” pahayag ni Catalan sa panayam sa Sports Radio.

Sinabi ni Catalan na tanging nalaman nito na inalis na siya sa koponan kay National Track coach Carlo Jasul na nagsabi mismo sa kanya base sa naging desisyon ni Philcycling President Bambol Tolentino.

Gayunman, ipinaliwanag ni Catalan na hindi maipakita ni Jasul ang kahit anumang ebidensiya o nagpapatunay sa desisyon ni Tolentino at Philcycling Board hinggil sa usapin kung alinman sa edad o kawalan ng performance bilang dahilan ng kanyang pagkakasibak sa koponan.

Hiniling din mismo ni Catalan ang kumpirmasyon sa Philcycling sa kanyang pagkakaalis sa koponan subalit wala itong nakuhang kasagutan.

Ikinagulat din ni Catalan ang pangyayari dahil matagal nang hindi nagkikita-kita at nagkakasama-sama ang buong PhilCycling Board at nababalitaan na lamang nito na may mga bago nang opisyales na namumuno sa asosasyon.

Ipinaliwanag ni Catalan na bagamat walang isinasagawang kompetisyon o try-out para sa iba’t ibang track event ang Philcycling ay kaya pa rin niyang magwagi sa kanyang paboritong event pati na sa asam nitong ikaapat na gintong medalya sa Sea Games sa Malaysia sa susunod na taon.

Idinagdag ni Catalan na iaapela nito ang kanyang kaso kay Philippine Sports Commission Chairman Butch Ramirez upang malaman ang tunay na dahilan sa pagkakatalsik at maging sa grievance committee ng athletes commission ng Philippine Olympic Committee (POC).

Una nang inalis ang mga nagwagi sa Cross Country MTB trials na isinasagawa sa Tagaytay, dalawang taon na ang nakalipas, na sina Nino Surban na tinanghal na kampeon, Martin Aleonar na pumangalawa at si Alvin Benosa na pumangatlo dahil sa nais ng PhilCycling na mga batang siklista na Under 23 ang kanilang magiging miyembro.

(Angie Oredo)