BUDAPEST, Hungary (AP) – Tulad ng athletics team, pinagbawalan din ang buong weightlifting team ng Russia bunsod ng isyu ng doping, ayon sa International Weightlifting Federation nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Ang walong slot na dating nakalaan sa Russia sa Rio Olympics ay ipinamigay sa ibang bansa.

“The integrity of the weightlifting sport has been seriously damaged on multiple times and levels by the Russians,” pahayag ng IWF.

Anila, ang banned sa Russian weightlifter ay “appropriate sanction to preserve the status of the sport.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ayon sa IWF ang resulta ng doping test sa Russian athlete ay “extremely shocking and disappointing.”

Nauna rito, kinatigan ng International Olympic Committee (IOC) ang rekomendasyon ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) na i-banned ang buong athletics team ng Russia bunsod ng pagkakasangkot ng mga atleta sa iskandalo ng state-run doping laboratory na nandaya sa mga resulta ng drug test.

Ilang Russian athlete rin mula sa rowing, wrestling, modern pentathlon at sailing ang pinatawan ng banned sa Rio Games bunsod ng isyu sa droga.

Ibinigay ng IWF ang slots ng walong Russian lifters sa atleta ng Belarus, Croatia, El Salvador, Mongolia at Serbia, habang sa women’s event, ibinigay ang slots sa Albania, Georgia at Moldova.