Napatay ng mga awtoridad ang isang 24-anyos na lalaki na umano’y most wanted drug personality sa Binondo, Maynila, gayundin ang isa pa nitong kasamahan, nang tangkaing manlaban sa mga pulis na umaaresto sa kanila habang sila’y nagpa-pot session sa loob ng kanilang tahanan kamakalawa.

Kinilala ang mga suspek na sina Gabriel Garcia, alyas Buging, 24, most wanted drug personality ng Binondo, at Ton-ton Balasa, 28, kapwa residente ng 250 Gate 50, Area B, Parola Compound, Binondo, Manila.

Samantala, arestado naman sa insidente ang kapatid ni Gabriel na nakilalang si Gerald Garcia, 22.

Batay sa ulat ni Police Supt. Amante Daro, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 11, nabatid na dakong 5:30 ng hapon kamakalawa nang mangyari ang insidente.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Nagsasagawa umano ng Oplan Tokhang ang mga tauhan ng San Nicolas Police Community Precinct, Station Anti-Illegal Drugs, Intelligence Section, at Police Community Relation sa Bgy. 275, Zone 25, sa loob ng Gate 50, Area B, nang may mag-tip sa kanila na may nagaganap na pot session sa tahanan ng magkapatid na Garcia.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at pinasok ang tahanan na nagresulta upang maaktuhan ang mga suspek na gumagamit ng ilegal na droga.

Gayunman, sa halip na sumuko, kumuha umano ng baril sina Gabriel at Balasa at tinangkang paputukan ang mga pulis ngunit hindi umubra ang kanilang bilis at ang mga ito ang napuruhan. (Mary Ann Santiago)