Jones Cup title, nakopo ng Philippine-Mighty Sports.
NEW TAIPEI CITY, Taiwan – May dalawang laban pa ang Philippine-Mighty Sports Apparel, ngunit wala na itong halaga – maliban na lamang kung nais ni coach Bo Perasol na magbalik-bayan na tangan ang kampeonato na may malinis na marka sa 38th William Jones Cup.
Nakipagbuno ang Mighty Sports laban sa Egypt nitong Sabado ng hapon, subalit anuman ang maging resulta, markado na ang kampeonato sa Philippine Team sa prestihiyosong club championship sa rehiyon.
Huling lalabanan ng Mighty Sports ang host Taiwan-B sa Linggo ng gabi.
Batay sa tournament format, ang mangungunang koponan matapos ang one-round elimination ng nine-team tourney ang tatanghaling kampeon. Tanging ang Mighty Sports ang koponan na walang talo sa kartang 6-0.
Nakopo ng Philippines ang ikalimang kampeonato sa kasaysayan ng liga nang gapiin ng Mighty Sports ang defending champion Iran, 80-73, Biyernes ng gabi.
Hataw sina dating PBA import Al Thornton na kumana ng 24 na puntos at Dewarick Spencer para sandigan ang Mighty Sports sa panalo laban sa Iranian.
Nakabuntot, ngunit wala nang pag-asa sa titulo ang Taiwan-A, South Korea at Japan na kapwa may 3-2 karta.
Ang Mighty Sports ang ikatlong koponan na kumatawan sa bansa sa Jones Cup na nagwagi ng kampeonato mula nang matagumpay na gabayan ng namayapang si Ron Jacobs ang Northern Cement Consolidated noong 1981 at San Miguel Beer noong 1985.
“We are now 6-0 and already assured of the championship but we can’t do it without the support of the club management,” sambit ni Perasol
“It means so much to the company that we represent and the country that we represent to win the championship. Playing for six straight games wasn’t really easy for us. It just so happened we had experienced players, talented players.
We’re happy we were able to get it done,” aniya.
Lumaban ang koponan na may limang import makaraang magtamo ng pinsala sina Troy Gillenwater at Mike Singletary sa kaagahan ng first period.
Muling nagpamalas ng katatagan si Spencer na kumana ng 21 puntos, 12 assist, at 10 rebound.
Iskor:
Mighty Sports (80) – Thornton 24, Spencer 21, N’Diaye 14, Macklin 8, Graham 8, Brickman 3, Singletary 2, Tang 0, Avenido 0, Salvacion 0.
Iran (73) – Doraghi 20, Torabi 14, Dalirzahan 9, Aslani 8, Ojaghi 7, Yousofvand 6, Monji 6, Mozafarivanani 2, Shahrian 1.
Quarters: 20-10, 36-24, 53-52, 80-73 (REY C. LACHICA)