Nabawi ng pinagsanib na puwersa ng Valenzuela Police Station at National Bureau of Investigation ang dalagitang tinangay umano ng kanyang nobyo na nagmula pa sa Dumaguete City, kamakailan.
Ayon kay Police Chief Ins. Rhoderick Juan, head ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Valenzuela Police, kasong rape at abduction in relation to 7610 ang isinampa sa suspek na si Darwin Dela Cruz, residente ng Barangay Pasolo, Valenzuela City.
Bago umano mangyari ang insidente, galing pa ng Dumaguete City, nagtungo ang mga magulang ng 14-anyos na dalagita sa opisina ni Major Juan.
Ayon sa pamilya ng biktima, tinangay daw ni Dela Cruz ang kanilang anak noong Hulyo 23 at dinala ng Valenzuela City at nang mabatid nila ang kinaroroonan ay kaagad silang lumuwas.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang SIDMB at Police Community Precinct (PCP)-4 at nadiskubre na naroroon nga ang dalagita.
Bandang 10:30 ng umaga, kasama ang mga taga-NBI at mga tauhan ng Valenzuela Police, tinungo ang lugar ni Dela Cruz at nabawi ang dalagita.
Katwiran ng suspek, tinuturuan lang daw niyang tumugtog ng gitara ang nobya kaya niya ito isinama sa kanila.
Sinabi naman ng mga magulang ng dalagita na inimpluwensyahan ni Dela Cruz ang murang isip ng kanilang anak kung kaya’t sumama ito sa kanya. (Orly L. Barcala)