ANG sarap tumambay sa Grub restaurant sa ELJ Building ng ABS-CBN dahil marami kaming nakikitang mga artistang dumadaan at nakikita ang kanilang tunay na ugali kapag wala sa harap ng camera.

Marami na kaming nasulat na balita na natisod namin habang nasa Grub restaurant kami, at heto ang latest. Blind item.

Kapag nasa harap ng entertainment press at TV camera ang aktres na may anak na ay feeling aligaga siya sa anak at parating ikinukuwento na ‘hands-on’ mom siya at nahahawakan lang ng yaya ang anak kapag wala siya.

In fairness, believable naman ang mga sinasabi ng aktres dahil nakita namin siya sa presscon na siya mismo ang may hawak sa anak niyang malikot kesehodang may kasamang yaya na nasa isang tabi lang at hawak lahat ng mga gamit ng mag-ina.

Wish ni Ogie Diaz kay Liza Soberano: 'Sana magising na'

Pero parang kabaligtaran yata ang sinasabi ng aktres sa nakita namin kamakailan habang nasa Grub restaurant kami, at nagulat pa nga kami dahil tumuntong siya ng ABS-CBN.

Naunang pumasok ng pintuan ang aktres habang nakadukdok sa cellphone niya at nakasunod ang yaya na akay-akay ang anak niya.

Hinabol namin ng tingin ang aktres, baka busy lang sa kanyang cellphone pero hanggang dulo ng ELJ Building ay hindi niya pinansin ang anak at tila aburido pa habang nakikipaglaro naman ang anak sa yaya nito. Sa sitwasyong nakita namin, tila walang pakialam ang bagets sa nanay niya.

Naingayan siguro si Aktres sa hagikgik ng anak kaya sinita ito, sabay tingin sa yaya na kaagad namang pinatahimik at inilayo ang bagets.

Sa ganang amin, kung malapit ang ina sa anak ay lalambingin niya ito at sasabihang huwag mag-ingay o kaya ang anak kapag malapit sa ina ay hahabol ito kahit pa hawak ng yaya.

Base ito sa mga nakikita naming aktres o aktor na may mga anak na malapit sa kanila.

Kaya medyo naguluhan kami dito kay Aktres, pa-flaunt lang ba niya sa ibang tao na malapit siya sa anak o baka dahil busy lang siya that time.

Pero, Bossing DMB, naniniwala pa rin kami na maasikasong ina ang aktres dahil kasa-kasama pa nga niya ito at kung hindi, e, hindi naman siya pupurihin ng ama ng anak niya sa pagiging good mom niya. (Reggee Bonoan)