GALIT na binuweltahan ni Pangulong Digong ang mga kritiko ng kampanyang kanyang ginagawa laban sa ilegal na droga.

Wala raw kasing “big fish” sa mga napapatay at naaresto na mula nang simulan ito. “Ito ang problema sa mga Pilipino,” wika ng Pangulo, “maraming nagpapanggap na magaling, pero hindi naman.” Ang mga “big fish” aniya ay nasa labas ng bansa, gusto ba nilang sugurin ko sila dito? Kapag sinabing big boss, general, wala raw sila rito.

Ipagpalagay na natin na nasa ibang bansa iyong mga “big fish,” big boss o general, paano nila naipapasok ang droga sa ating bansa? Gumagamit daw ang mga ito ng teknolohiya kasama ang malaking mapa ng bansa para malaman kung saan nila ito ibabagsak. Ganoon pa man, may kasabwat pa rin sila sa loob ng bansa para saluhin at ikalat dito ang droga. Ang kasabwat nila sa ating bansa ay “big fish,” big boss o general din. Bakit walang ganitong mga napapatay, o kaya nahuhuli? Ah, mayroon na pala, isang nagngangalang Meco Tan na napatay nang ito ay manlaban sa mga pulis.

Pinagsususpetsahan itong Chinese drug lord na nag-ooperate ng shabu laboratory sa loob ng 13 taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pero, bago mapatay si Tan, marami nang napatay na mga “small fish” o kung tawagin ng Pangulo ay “lieutenant”. Halos lahat, kundi lahat, ng mga ito ay mga dukha. Ang nakababahala ay ang sinabi ng Pangulo na konsensiya niya lamang ang magpapatigil dito. Hindi siya naniniwala na may mga inosenteng napatay. “May papatay bang walang kasalanan?” wika niya. Kaya naging pang-araw-araw na buhay na natin ay iyong may pinapatay. Walang pinipiling oras kung kailan ito mangyayari. Ang tiyak ay walang araw na lilipas nang walang pinapatay. Napakahirap tanggapin ito kahit na ito ay ginagawa sa ngalan ng pagsupil ng kriminalidad.

Kaya nga dapat imbestigahan ang bawat pagpatay na nagaganap. Alamin ang tunay na nangyari. Hindi na lang basta tatanggapin ang katwiran ng mga pulis na lumaban ang kanilang inaaresto at napatay nila ito sa isang shootout. Dahil kapag ganito ang naging kalakaran, hindi maglalaon ang lahat, kriminal man o hindi, mayroon mang kasalanan o wala, ay magiging biktima. Tangan na ng pulis ang buhay ng kahit sino. Sila ang magsasabi kung may karapatan ka pang mabuhay sa mundo. Nangyari ito dahil tayong mamamayan, sa hangarin nating mabuhay nang mapayapa, ay ipinaubaya na natin sa kamay ng ating kapwa ang paraan para maganap ito. Nawala ang pananalig natin sa batas. (Ric Valmonte)