Bea at Gerald copy

PARANG magandang painting, kanta o tula na maayos ang kumpas o rima nina Bea Alonzo at Gerald Anderson habang pinagmamasdan at pinakikinggan namin sa presscon ng How To Be Yours, ang unang pelikulang pinagtatambalan nila, produced ng Star Cinema under Direk Dan Villegas.

Bukod sa parehong byutipol pipol, sa body language at pati sa pananalita, halatang aligned o synchonized ang tinatakbo ng utak nila.

Balansyado o tamang-tama ang timpla nina Bea at Gerald. Kapag nagsasalita ang isa, aliw na aliw na nakikinig ang isa pa, walang ni katiting na kontrahan.

Trending

Netizen na siningil ng manliligaw sa ₱7k bill ng date nila, sinabihang 'PG' at 'mapagsamantala'

Komportable at natutuwa silang pag-usapan maging ang naging short-lived relationship nila. 

Inamin ni Gerald na naging refuge niya ang relasyon nila noon ni Bea, dahil nakakalimutan niya ang lahat ng problema kapag magkapiling sila. Nami-miss naman ni Bea ang panahong iyon na ang naaalala niya ay ang pagiging bagets at carefree niya.

Kaya ang tanong ko kay Bea nang makausap namin sila nang sarilinan nina Manay Ethel Ramos at Manay Len Llanes, husband material ba si Gerald?

“Oo,” sagot niya na may kasabay na matamis na ngiti.

Soulmates ba sila?

“Paano mo naman nasabi?” usisa ng dalaga, at sinabi ko ang obserbasyon ko.

Parang napaisip si Bea, na lalong gumaganda sa mga ganitong pagkakataon. 

Binalingan ko rin ng tanong si Gerald, habang kausap si Manay Ethel, kung wife material ba si Bea, at walang isip-isip din itong sumagot habang nakangiti ng, “Oo! Paano naman magiging hindi?”

Pero indirectly, nalaman kong hindi sila nagkabalikan, dahil sa nabanggit ni Bea nang mapag-usapan ang pag-aasawa nang mapag-usapan na marrying age na siya. (Si Manay Ethel ang nagtanong, hindi ako nagtatanong ng age ng girls).

“Paano naman ako magpapakasal? Eh, wala pa naman nga akong magiging groom.”

Pambihira sa mga artista ang hindi binabago ng kasikatan, pero si Bea ang pambihirang ito. Dahil kung paano siya makiharap sa reporters noong katorse anyos siya, ganoon pa rin hanggang ngayon. Mahiyain pa rin.

Alam mong matalino at mahusay pero walang kaere-ere.

Paano na ngayon ang sinabi niya sa akin, noong una siyang ipainterbyu ng Star Magic, na pangarap niyang maging character actress -- na siya na ang kinikilala bilang pinakabagong movie queen ng Star Cinema?

“’Yun pa rin ang dream ko, ‘di pa rin nagbabago. In the process, matutupad pa rin ‘yun, I’m sure,” sagot niya. “Pero alam mo ba, nahihiya ako sa title na ‘yan. Movie queen. Nahihiya ako, kasi marami namang mas deserving kaysa sa akin.

Pero sana ‘di ako ma-misinterpret, appreciated ko at overwhelming sa akin ang title. Kusa namang ibinibigay sa akin, hindi ko naman hiningi, kaya tatanggapin ko.”

Itinuturing niya itong napakalaking blessing, tulad din ng tambalan nila ni John Lloyd Cruzna, “Ipinagpapasalamat ko rin nang husto kay God. Kasi kung hindi naman ako nai-partner kay John Lloyd, hindi ko mararating itong status na ito na kinaroroonan ko ngayon.” (DINDO M. BALARES)