CAMP DANGWA, Benguet – Mahigit P1-milyon halaga ng marijuana bricks ang hindi inaasahang nasakote ng pulisya sa police checkpoint sa bayan ng Kapangan, ayon sa Benguet Police Provincial Office sa La Trinidad.

Nabatid kay Senior Supt. Florante Camuyot, provincial director, nagsasagawa ng checkpoint ang Kapangan Municipal Police sa Sitio Lomon, Barangay Paykek, noong gabi ng Hulyo 20 nang parahin nila ang motorsiklo na lulan ang dalawang katao.

Hinanapan ng registration papers si Romy Perez Balangaen, 20, ng Bgy. Takadang, Kibungan; at kasama niyang 17-anyos na lalaki, pero walang maipakita ang mga ito hanggang sa mapansin ng pulisya ang kakaibang kilos ng dalawa.

Nang silipin ang mga bitbit na backpack, nadiskubre sa bag ni Balangaen ang dalawang marijuana bricks, habang tatlong marijuana bricks ang nasa backpack ng binatilyo, na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P1,171,300. (Rizaldy Comanda)

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?