MACTAN, Cebu – Napigilan ng awtoridad ang pagtatangka ng isang 27-anyos na babaeng Chinese na magpuslit ng nasa P6-milyon halaga ng hinihinalang shabu, makaraan siyang maaresto sa Mactan-Cebu International Airport nitong Miyerkules ng umaga.
Dumating si Zhou Liming sa Cebu mula sa Hong Kong dakong 11:30 ng umaga nitong Miyerkules ngunit pinigil siya ng mga empleyado sa paliparan makaraang mapansin ng mga ito ang ilang kahina-hinalang bagay sa kanyang maleta.
Sa tulong ng K-9 unit, sinuri ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang maleta at nadiskubre nila roon ang 11 pakete ng hinihinalang shabu na nasa 4.05 kilo, at nagkakahalaga ng P6 milyon. Idinikit ng packaging tape, nakatago ang mga pakete sa lining ng maleta at tinakpan pa ng plywood.
Ayon sa interpreter, sinabi ni Zhou na hindi niya alam na may lamang shabu ang maleta.
Dumating sa Pilipinas noong Marso at Abril, sinabi ni Zhou na nakatakda siyang makipagkita sa dalawang Pinoy na kasamahan niya matapos siyang makalusot sa Customs, ayon kay Senior Supt. Retchie Posadas.
Nagmula sa probinsiya ng Hunan sa China, nabatid na si Zhou ay kasalukuyang walang trabaho at inutusan umano ng isang Canadian, na kaibigan ng kanyang pinsan, na ihatid ang maleta sa Cebu. (Mars W. Mosqueda, Jr.)