Binigyang-diin ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na pabor siya sa panukalang Charter Change (Cha-Cha) at lalagda siya bilang co-author nito.
Sinabi ni Salceda na sumasang-ayon siya sa pagrebisa sa Konstitusyon, upang maging mas nakatutugon ito sa kasalukuyang kondisyon ng bansa. Aniya, ito ay para sa federal government setup na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Salceda, ang federalismo ang magbibigay-daan para mas tumatag ang ekonomiya ng magugulong lugar sa bansa.
Dagdag pa niya, maaaring magkaisa ang iba’t ibang grupo sa bansa, partikular na sa Mindanao, sa pamamagitan ng federalismo.
Ipinaliwanag ni Salceda na ang mga pangunahing layunin ng federalismo ay decentralization at pagpapalakas sa mga local government unit, lalo na sa mga rehiyon sa labas ng “Imperial Manila.”
Ang unang panukala para sa Charter Change ay inihain ni Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez.
Kilalang ekonomista at naging economic adviser ng ilan sa mga dating Pangulo ng bansa, si Salceda ay siyam na taong gobernador ng Albay hanggang nahalal na congressman ng ikalawang distrito ng lalawigan. (Adrianne Diaz)