Nakahanda umanong ibunyag ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman ang pangalan ng sinumang alkalde na mapatutunayan niyang sangkot sa illegal drugs operation sa Mindanao.
Ito ang sinabi ni Hataman bilang reaksiyon sa naunang pahayag ni Pangulong Duterte na hawak nito ang listahan ng mga alkalde mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na sangkot sa droga.
Sinabi ni Hataman na sa ngayon ay wala pa siyang pinaghahawakang ebidensiya laban sa ilang alkalde at opisyal ng lalawigan na hinihinalang sangkot sa droga.
“Of course dapat lang [na pangalanan], pero ako naman kailangan ko ng ebidensiya. Mahirap na balikan tayo. In fact, magbibigay kami ng feedback kung sino ang mga suspek. Gagamitin ko ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng ARMM, kasi meron na rin sila [ng listahan] officially, kaya hintayin na lang natin ang PDEA,” sabi ni Hataman.
Sa ngayon, sinabi ni Hataman na nakikipagtulungan siya sa PDEA-ARMM para sa ginagawang monitoring sa mga lokal na opisyal na hinihinalang sangkot sa droga.
“Bali-balita na may ilang mayors na involved sa ilang probinsya. Hintayin natin ang pronouncement ni Pangulong Digong kung papangalanan niya kung sino ‘yung mga sangkot dito. Kasi, ako wala naman akong hawak na ebidensiya,” ani Hataman. (Fer Taboy)