Guwardiyado na ng Bureau of Immigration (BI) ang mag-amang sina dating Vice President Jejomar Binay at dismissed Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay matapos ilabas ng Sandiganbayan ang hold departure order (HDO) laban sa mga ito.

Ang ang HDO ay inisyu ng Sandiganbayan 3rd Division noong Hulyo 15, kung saan bukod sa mag-amang Binay, sakop nito ang iba pang kasama din sa kinasuhan ng graft na nag-uugat sa umano’y overpriced na Makati City Hall building 2.

Nakilala ang mga ito na sina dating Makati City administrator Marjorie De Veyra, dating legal officer Pio Kenneth Dasal, dating budget officer Lorenza Amores, dating central planning management head Virginia Hernandez, dating city engineer Mario Badillo, mga dating city accountants na sina Leonila Querijero at Cecilio Lim III, at Orlnado Mateo.

“The court … hereby orders the Commissioner of the Bureau of Immigration to hold the departure from the Philippines of the above-named accused and to include the name/s of said accused in the hold departure list of said bureau,” ayon sa ruling ng anti-graft court.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ang naturang kautusan ay pirmado nina Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang, Associate Justices Samuel Martires, at Sarah Jane Fernandez.

Si Binay ay pansamantalang nakalalaya nang maghain ng piyansa kamakailan matapos kasuhan ng four counts ng paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), nine counts ng falsification of public documents at malversation of public funds.

Sinampahan naman si Junjun ng two counts ng graft at 1 count ng malversation. - Rommel Tabbad