Walong lalaking pawang suspected drug pusher at user ang napatay sa sunud-sunod na buy-bust at anti-criminality operation na ikinasa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, sa loob ng isang araw.

Batay sa ulat ng MPD-Station 4, dakong 6:20 ng gabi nitong Lunes nang mapatay si Edgar Cirbito, 42, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng 835 Geronimo St., Sampoloc, Manila.

Nagpanggap umanong nadudumi si Cirbito kaya’t sinamahan ito ni PO1 Oscar Cruz Jr. sa banyo ngunit nang tanggalin na ng pulis ang posas ay bigla na lang umano nitong inagaw ang baril ni Cruz.

Sa halip na sumuko, itinutok pa umano ng suspek ang baril sa rumespondeng hepe kaya’t hindi na umano nagdalawang-isip ang huli na paputukan ito sa dibdib na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, dakong 7:30 naman ng gabi nang mapatay ng mga pulis ng MPD-Station 3 ang suspek na si “Patis”, sa Antipolo Railroad, Blumentritt St., Sta. Cruz.

Nagsagawa umano ng buy-bust operation ang mga awtoridad ngunit habang isinasagawa ang transaksyon, bigla umanong sumigaw sa hindi kalayuan ang suspek ng: “May kalaban!”

Dahil dito, nataranta umano si Patis, bumunot ng baril at tinangkang barilin si PO1 John Michael Serrano ngunit naunahan ito ng huli at pinaputukan.

Sa nabanggit ding oras napatay si Amir Amilul, 32, ng Caloocan City, sa 11th Street, Vargas Compound sa Port Area, nang manlaban habang inaaresto ng mga pulis.

Napatay naman ng MPD-Station 9, ang drug peddler na si Gerry Collado sa Purok 5, Malate, Manila dakong 11:00 ng gabi matapos ding manlaban sa mga awtoridad, habang 11:30 naman ng gabi nang mapatay ang tatlo pang katao nang manlaban sa mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID-SOTU) ng MPD.

Kinilala ang tatlo na sina Jomar Manaois, 20, ng 1799 Raymundo St., San Andres Bukid, at ang magkapatid na Mark Anthony at Jefferson Bunuan ng Oro-B Street, San Andres Bukid.

Samantala, napatay naman si “Erwin”, isa pang suspek sa ilegal na droga dakong 12:45 ng madaling araw kahapon, sa buy-bust operation sa Palanca St., sa Quiapo, Maynila.

Ayon sa MPD, sa inilunsad na “Oplan Tokhang” ng Maynila, mula Hulyo 1 hanggang 15 ay nasa 6,272 bahay na ang kanilang kinatok kung saan may 5,133 drug user at 434 na drug pusher ang boluntaryong sumuko.