IBA, Zambales – Binigyang-babala ang nasa 3,000 mangingisda sa lalawigang ito laban sa pangingisda sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal, kahit pa pumabor sa Pilipinas ang naging desisyon ng arbitration court sa The Hague, Netherlands kaugnay ng pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea.
Sa makasaysayang desisyon na inilabas nitong Martes ng Permanent Court of Arbitration (PCA), sinabi nitong walang legal na basehan ang China sa pag-angkin nito sa halos buong West Philippine Sea.
Gayunman, nagbabala si Zambales Governor Amor Deloso na bagamat kumatig sa Pilipinas ang nasabing desisyon, maaari nitong mapalubha ang tensiyon at may posibilidad na mapahamak ang mga mangingisdang Pinoy na sa nakalipas na mga taon ay nakaranas ng pananakot mula sa mga Chinese coast guard na nagbabantay sa Scarborough.
“As governor of the province, wala po ako magagawa because it is beyond my domain... because wala kaming armas dito,” sinabi ni Deloso nang tanungin ng Balita tungkol sa plano ng pamahalaang panglalawigan matapos ang desisyon ng korte.
“But the lives of our fishermen are of paramount importance that is why I have repeatedly advised them not to fish until it’s free to fish.”
Sinabi ni Deloso na bagamat sa ngayon ay wala pang ginagawang anumang hakbangin ang China laban sa desisyon ng arbitral tribunal, dapat pa ring ikonsidera na Zambales ang pinakamadaling gawing target.
Aniya, pagmamay-ari ng China ang isang 500-ektaryang isla sa Zambales, na rito sinasabing nakaistasyon ang isang missile.
Kasabay nito, sinabi naman ni Deloso na nagsisikap ang pamahalaang panglalawigan na tiyaking may alternatibong pagkakakitaan ang mga mangingisda, bukod pa sa maglalaan ng pondo at iba pang programa para sa kapakinabangan ng mga pamilyang mangingisda.
Sa kabilang banda, nabuhayan naman ng loob ang maraming mangingisda sa Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan, na hindi na sila muling mabu-bully ng mga Chinese kapag muli silang pumalaot sa Scarborough Shoal.
Ayon sa ilang opisyal ng barangay, nais muna nilang matiyak na malaya na silang makakapalaot sa lugar dahil hindi pa rin naaalis ang pagkabahala nila para sa kanilang kaligtasan.
Dahil dito, nananawagan sila sa awtoridad para mabigyan sila ng update kung tunay na wala nang magiging balakid para sa maraming mangingisda sa Pangasinan, dahil ito ang pangunahin nilang kabuhayan.
Magugunitang ilang mangingisdang Pangasinense ang nakaranas ng pananakot ng mga Chinese coast guard, na ikinasugat pa ng ilan sa kanila. (FRANCO REGALA at LIEZLE BASA IÑIGO)