MAGBABALIK na ang Minute to Win It sa Lunes , Hulyo 18 upang magbigay ng excitement at saya sa bawat pamilyang Pilipino dulot ng kapana-panabik na challenges at malalaking papremyong maaaring iuwi ng players.
Sa patnubay ng mahusay at makulit na host na si Luis Manzano, hindi kailangan ng special talent o sobrang talino para manalo sa game show na ito, kailangan lang ng matinding diskarte dahil sa bagong edition ng Minute to Win It, magiging competition-centered ang laban ng players. Tatawagin ang edition na ito bilang “Last Man Standing” na pinakamalakas ang magwawagi.
Tuwing Lunes at Miyerkules, pitong players na binubuo ng celebrities o personalities mula sa iba’t ibang larangan, at pati na rin ordinaryong Kapamilya players, ang maglalaban-laban sa limang challenges na walang time limit, gamit lamang ang mga bagay na maaaring matagpuan sa bahay.
Ang player na huling makakatapos o mabibigo ay matatanggal tuwing pagkatapos ng isang challenge, hanggang sa may matirang pito.
Didiretso ang natirang players sa Head-to-Head Challenge tuwing Martes at Huwebes para maglaban-laban sa limang mahihirap na challenges. Dagdag pa sa hamon, ang nakakakaba na isang minutong time limit na magbibigay pressure sa bawat player, ngunit magbibigay ng excitement dahil sa katumbas na prizes sa bawat stage.
Bibigyan ng pagkakataon ang player na nakakuha ng pinakamalaking halaga ng cash na humarap sa Ultimate Challenge, na puwede siyang magwagi ng P1 million-jackpot prize. Matapos nito, babalik ang nagwaging players noong Martes at Huwebes para maglaban sa Head-to-Head Challenge tuwing Biyernes.
Kikilalaning “Ultimate Last Man Standing” ang player na magwawagi. At sa loob ng isang linggo, maaaring magwagi ang isang player ng P2 million kapag nalalagpasan niya ang dalawang Ultimate Challenges.
Maghaharap sa pilot episode sa Hulyo 18 at 19 sina Richard Yap, Jericho Rosales, Maja Salvador, Coleen Garcia, Melai Cantiveros, Eric Nicolas at Kapamilya player Marjan Nassiri.
Magdadala naman ng kaba sa Hulyo 20 at 21 ang paghaharap nina Arci Muñoz, Daniel Matsunaga, Joey Marquez, Denise Laurel, Baron Geisler, Negi, at Rachel Daquis.
Sino kaya sa mga ito ang kikilalaning “Ultimate Last Man Standing”? Makakapag-uwi kaya siya ng P1 milyon?
Abangan ang pagbabalik ng kapana-panabik na game show sa ABS-CBN, matapos ang isang successful first season nito noong 2013 hanggang 2014. Tanging Philippine Edition lamang ang kauna-unahang maipalabas daily at nanatili sa ere sa loob ng isang taon, sa kabuang franchise ng nasabing programa. (LORENZO JOSE NICOLAS at HELEN WONG)