Magiging “very historic” ang linggong ito dahil sa dalawang mahalagang pangyayari na magkakaroon ng malaking epekto sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.

Nakatakdang ilabas ngayong Martes ng international court sa The Hague, Netherlands ang desisyon nito sa agawan sa teritoryo sa South China Sea (West Philippine Sea), at inaasahang lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order (EO) para sa pagpapatupad ng Freedom of Information (FOI).

“(This) week will be a very, very historic week for everybody,” sinabi nitong Linggo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, sinabing ilalabas dakong 5:00 ng hapon ngayong Martes ng United Nations (UN) Arbitration Court ang desisyon nito sa pagkuwestiyon ng Pilipinas sa pag-angkin ng China sa WPS.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang makipag-usap sa China sakaling pumabor sa Pilipinas ang desisyon ng tribunal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod sa desisyon ng tribunal, sinabi ni Andanar na inaasahan ding pipirmahan ng Pangulo ngayong linggo ang EO sa FOI.

“There are also other announcements that we can look forward to like the President’s signing of the EO on Freedom of Information and other announcements from various departments in the Executive branch,” aniya. (Elena L. Aben)