BELGRADE, Serbia (AP) – Biyaheng Rio Olympics ang Serbia at Croatia. Ang nalalabing slot para sa quadrennial basketball ay paglalaban ng France at Canada.

Nakopo ng Serbia ang kauna-unahang Olympic appearance bilang isang independent country nang pabagsakin ang Puerto Rico, 108-77, nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Hataw si Bogdan Bogdanovic sa naiskor na 26 at walong assist, habang kumana si tournament MVP Nikola Jokic ng Denver Nuggets ng 23 puntos, walong rebound at anim na assist para sa host team.

Dating miyembro ng international basketball power Yugoslavia, ito ang unang sabak sa Olympics ng Serbia mula nang maging independent nation noong 2006. Dati silang kilala na Serbia and Montenegro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa Turin, nahirapan ang Croatia bago napasuko ang host Italy, 84-78, sa overtime.

Kumubra si Bojan Bogdanovic ng Brooklyn Nets sa natipang 26 na puntos, habang kumana si dating Philadelphia 76ers lottery pick Dario Saric ng 18 puntos at 13 rebound para makabalik sa Olympics mula noong 2008 sa Beijing.

Sa Manila Qualifying Tournament, nakatakdang magtuos ang liyamadong France at Canada.

Umusad sa finals ang Canada, sa pangunguna nina Cory Joseph ng Toronto Raptors na may 23 puntos at Tristan Thompson ng NBA champion Cleveland Cavaliers na naglista ng 13 puntos at 10 rebound, nang gapiin ang New Zealand, 78-72, sa semifinals nitong Sabado.

Pinabagsak naman ng France, ginagabayan nina NBA star Tony Parker at Boris Diaw, ang Turkey, 75-63, sa hiwalay na semis match.

Bukod sa two-time defending champion US, nakausad na sa Olympics ang Spain, Lithuania, Argentina, Venezuela, Brazil, China, Australia, at Nigeria.