Mga laro ngayon
(Ynares Sports Arena)
4 n.h. -- Topstar vs Tanduay
6 n.g. -- Racal vs Phoenix
Naging bayani sa defending champion Café France ang Congolese big man na si Rod Ebondo sa 78-72 panalo kontra Racal nitong Martes, sa 2016 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Hindi napigil si Ebondo sa pagsalansan ng 22 puntos at 15 rebound para pagbidahan ang Bakers sa pagsikwat sa ikalimang panalo sa anim na laro.
“The boys played good defense. Racal is a very good offensive team, but maganda ang nilaro ng mga bata and they cannot stop Ebondo,” ayon kay coach Egay Macaraya matapos putulin ng Café France ang three- game winning streak ng Racal.
Mahigpit din ang depensang ikinasa ng Bakers nang kanilang limitahan ang Tile Masters sa 72 puntos, mas mababa sa kanilang average na 99.8 puntos kada laro.
Nag- ambag naman sina Mon Abundo ng 16 na puntos at apat na board, habang tumipa si Carl Bryan Cruz ng 13 puntos bago ma- thrownout pagkaraang sikuhin si Dexter Marquez may 5:41 ang nalalabi sa third quarter.
Nanguna naman para sa Racal, bumagsak sa barahang 4-2, si Jonathan Grey na nagtala ng 12 puntos.
Samantala, itataya ng league leader Phoenix ang malinis na barahang 5-0 sa pagsalang kontra sa Tile Masters na magkukumahog namang bumangon mula sa kabiguang nalasap sa Bakers sa tampok na laro ngayong 6:30 ng gabi.
Sa unang laro, gaya ng Racal ay hahangarin ng Tanduay Rhum Masters na makamit ang ikalimang panalo sa pitong laro sa pagsabak kontra winless Topstar ZC Mindanao (0-5) sa ganap na 4:00 ng hapon. (Marivic Awitan)