BACOOR, Cavite - Dalawang umano’y drug pusher ang napatay matapos umanong manlaban at paputukan ang mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Molino III sa siyudad na ito.

Isa namang umano’y tulak at apat na drug user ang nadakip matapos maaktuhan sa pot session sa nasabing operasyon, dakong 9:30 ng gabi nitong Sabado.

Batay sa report ni Senior Supt. Rommel Estolano, hepe ng Bacoor City Police, kinilala sa mga alyas na “Onyok” at “Totoy” ang mga napatay, na sinasabing mga kilabot na drug pusher sa lugar.

Napag-alaman na habang inaaresto, pinaputukan umano ng dalawang napatay ang mga pulis kaya napilitang gumanti ang awtoridad matapos magkahabulan at makorner ang dalawa sa Camella North Springville Subdivision sa Bgy. Molino III.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sa nasabing operasyon, dinakip din si Saturnino Tidoy Majeco, alyas “Bebot” 55, umano’y drug pusher, at ang target sa buy-bust; habang naaktuhan naman sa pot session kaya inaresto rin sina Remigio Brosas Antillon, 48; Joshua Mammuad Miguel, 22; Miguelito Quoite Señadan, 28; Robert Bagusan Rabang, 32; at Charlie Ulito Villegas, 33 anyos.

Narekober sa operasyon ang isang .45 caliber pistol na kargado ng apat na bala, isang .38 caliber revolver na may limang bala, limang sachet ng hinihinalang shabu na nasa 5.6 gramo, P700 marked money, at drug paraphernalia.

(BETH CAMIA at ANTHONY GIRON)