ZAMBOANGA CITY – Isang kilabot na gang leader at dalawa niyang anak na lalaki ang napatay habang isang pulis ang nasugatan sa engkuwentro ng dalawang panig sa Sibuco, Zamboanga del Norte, nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Jamaruddin Alih, alyas “Boy Takas”, leader of Jamaruddin Alih Group na kumikilos sa Sibuco, Zamboanga del Norte; gayundin ang mga anak niyang sina Nurjin Alih at Danny Kairal.

Sinabi naman ng pulkisya na nasugatan sa sagupaan si PO1 Samman Iyoh, ng Sibuco Municipal Police, makaraang matamaan ng shrapnel na nagmula sa isang rifle grenade sa kasagsagan ng labanan.

Batay sa report, isinilbi ng mga tauhan ng Sibuco Municipal Police, sa pangunguna ni Insp. Joel Adajar, ang warrant of arrest kay Alih sa Barangay Lakiki, Sibuco, dakong 3:00 ng umaga nitong Biyernes.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa ulat, pumalag si Alih at pinaputukan ang mga papalapit na pulis na nauwi sa engkuwentro simula 3:15 hanggang 5:30 ng umaga.

Sa pagsikat ng araw, natagpuan ng mga pulis ang bangkay ni Alih at ng dalawa niyang anak, gayundin ang isang .45 caliber pistol, isang magazine para sa caliber 7.62, at ilang bala ng caliber 7.62.

Iniuugnay ang grupo ni Alih, na may 16 na miyembro, sa serye ng pangingikil at pamamaril sa Sibuco.

Sinabi ng pulisya na pumuga si Alih mula sa San Ramon Penal Farm sa Zamboanga City at may ilan itong arrest warrant para sa murder at frustrated murder, habang wanted naman sa pagpatay ang anak niyang si Nurjin, at nasa watch list naman ng Sibuco si Danny dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga. (Nonoy E. Lacson)