Tinanggap na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang pagbibitiw ni Commissioner Christian Robert Lim bilang head ng Campaign Finance Office (CFO) ng poll body.
Ang desisyon ay inilabas ng mga opisyal ng Comelec matapos ang idinaos na regular en banc meeting.
“Tinanggap ng en banc kanina ‘yung resignation ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim bilang pinuno ng Campaign Finance Office—with regret. In fact, we expressed our gratitude to him for all the work he has done in respect of campaign finance,” ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista.
Kaugnay nito, itinalaga ng en banc si Comelec Executive Director Jose Tolentino bilang officer-in-charge ng CFO, habang wala pa silang napipiling papalit sa puwesto ni Lim.
“Kasi ngayon maraming dapat gawin, gaya ng pagbibigay ng mga certificate of compliance sa mga magpa-file na kandidato, so ‘yung mga ganyan, dapat agad aksiyunan,” ani Bautista.
“Siya (Tolentino) muna ang officer-in-charge habang pinag-uusapan ng en banc kung sino ang papalit kay Commissioner Lim, kasi mabigat na responsibilidad ‘yan at gustong malaman ng en banc kung anong extent ng functions nu’ng opisina para rin malaman kung sino ang karapat-dapat na pumalit.”
Posible naman aniyang sa halip na isang commissioner na may fixed term ay magtalaga ang en banc ng permanenteng empleyado para sa nabakanteng puwesto.
Lunes ng hapon nang isumite ni Lim ang kanyang irrevocable resignation bilang CFO head matapos na hindi magustuhan ang policy shift ng en banc na pinalawig ang “June 8 final and non-extendible deadline” sa pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditure (SOCE) ng mga kumandidato noong Mayo 9. (MARY ANN SANTIAGO)