Matindi at mahabang misyon ang tatahakin ng Gilas Pilipinas Cadet Pool para sa inaasam ng Samahang Basketball ng Pilipinas na madomina ang rehiyon, maging ang Asya.
Ito ang sinabi ni SBP Executive Director Renauld “Sonny” Barrios matapos na baguhin ng FIBA ang qualification process para sa ibat ibang torneo sa mundo kabilang na ang 2019 World Cup.
Ipinaliwang ni Barrios na imbes paglabanan sa isang continental tournament para makapagkuwalipika ay sasabak ang mga koponan sa qualifying na may home-and-away format na katulad sa qualification process ng sports na football para sa FIFA World Cup.
Base sa binagong format, ang susunod na edisyon ay sa 2019 imbes na 2018 at gaganapin kada apat na taon. Kabuuang 32 koponan, imbes na 24, ang lalahok sa flagship event ng FIBA.
Ang qualification period para sa FIBA Basketball World Cup ay isasagawa sa loob ng dalawang taon at binubuo ng anim na lugar na magsisimula Nobyembre (2017), Pebrero, Hunyo, Setyembre, Nobyembre (2018) at Pebrero (2019). Ang eksaktong petsa at haba ng torneo ay pag-uusapan pa ng stakeholders.
Ang mga national teams ay hahatiin sa dalawang; Division A at B na may tatlo o apat na koponan sa isang open system na may “promotion and relegation”. Ang mga laro sa qualification period ay home-and-away.
Ang Asia at Oceania ay magsasama sa Asia-Pacific region para makausad sa FIBA Basketball World Cup, bagamat mananatili ang “universality” para sa qualifying process sa Olympic Games. (Angie Oredo)