Matapos bigyang babala ang tatlong aktibong police general na magbitiw na lang sa tungkulin kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na droga, pinangalanan ni President-elect Rodrigo Duterte ang 35 halal na opisyal, na kung hindi man sangkot sa kalakalan ay gumagamit umano ng droga, at hiniling na mag-“confess” na ang mga ito, ayon sa isang mambabatas.

Sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez na “pinangalanan” ni Duterte ang 35 pulitiko sa harap ng mga leader ng Kongreso na dumalo kamakailan sa isang pulong sa Davao City, at nagpahayag ng intensiyong hilingin ang pagbibitiw sa tungkulin ng mga nasabing halal na opisyal na lulong din umano sa ilegal na droga.

Ikinonsidera ni Suarez ang babala ni Duterte bilang “leeway” para mag-“confess” ang 35 pulitiko.

“Siguro lighter sentence dahil nag-confess ka na, pero he (Duterte) is not saying clemency or pardon,” ani Suarez.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Tumanggi si Suarez na pangalanan ang 35 lokal na opisyal na binanggit ni Duterte, ngunit sinabing alkalde at gobernador ang mga ito. Hindi rin binanggit ang lugar ng hurisdiksiyon ng nasabing mga pulitiko.

Sa isang press briefing sa Iligan City noong 2003, kinumpirma ni noon ay Marine Col. Benjamin “Mohammad” Dolorfino na may mahigit 10 halal na narco-politician sa isang lalawigan sa Mindanao.

Ang kumpirmasyon ni Dolorfino ay kasunod ng mga tip mula sa mga residente, kabilang ang ilang mamamahayag, na nagsabing ilang hinihinalang narco-politician ang sangkot sa pamamahagi ng P10,000 hanggang P15,000 sa bawat botante sa lokal na eleksiyon.

Sa kanyang pulong kamakailan sa mga leader ng Kamara, sinabi ni Suarez na binanggit ni Duterte ang kagustuhan nitong kunin ang “support of the Armed Forces in the cleansing method, eliminating those men in uniform who are involved in this drug issue.”

Nitong Hunyo 4 lamang ay nanawagan si Duterte sa tatlong police general na sangkot umano sa ilegal na droga na magbitiw na sa puwesto bago pa siya opisyal na maluklok sa tungkulin sa Hunyo 30 kung ayaw nilang pangalanan at ipahiya niya ang mga ito. (ALI G. MACABALANG)