Naghahanap ng bagong import ang crowd- favorite Barangay Ginebra para sa darating na season ending conference Governors’ Cup ng PBA sa susunod na buwan.

Ito’y matapos na umurong ang nauna nilang pinili na si dating Northwestern Wildcat Drew Crawford.

Malungkot na ibinalita ni coach Tim Cone na umayaw ang “original choice” nilang si Crawford dahil nais nitong subukan ang kapalaran sa NBA Summer League.

Nauna nang napili si Crawford matapos magdesisyon ang management ng Kings na huwag ng ibalik ang nakaraang import nila sa Commissioner’s Cup na si Otyus Jeffers.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Si Crawford ay dati nang naglaro sa NBA Summer League noong 2014 para sa New Orleans kung saan nagkainteres sa kanya ang Orlando Magic na hindi naman siya tuluyang kinuha.

Samantala, maugong na pangalan na kursunada ng Kings para maging import sa third conference na sisimulan pagkatapos ng Manila Olympic Qualifying Tournament ang dating Tropang Texters import na si Paul Harris. (Marivic Awitan)