CAMP AQUINO, Tarlac City — Tinanggap kahapon ni NOLCOM Chief Lt. General Romeo T. Tanalgo ang framed replica ng 1734 Murillo Map na tumutukoy sa Panacot Island o Scarborough Shoal bilang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang 300-taong mapa ay nagmula kay Mel Velarde, presidente at CEO ng New Corporation and Chairman of the Board, Asian Institute of Journalism & Corporation.
Binigyan din ng mga kopya ng mapa ang Field Units at iba pang opisyal ng Northern Luzon Command sa handover ceremony sa Camp Sevillano Aquino, Tarlac City.
Ang Murillo Velarde Map, orihinal na tinawag na “Carta Hydrographica y Chorographica de las Islas Filipinas,” na iginuhit ng paring Jesuit na si Pedro Murillo Velarde (1696-1753), ang una at kinilalang internationally scientific map ng Pilipinas na nailathala sa Manila noong 1734. Ipinakikita rito na ang Scarborough Shoal na kilala bilang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa nakalipas na tatlong siglo.
Iprinisinta ng Gobyerno ng Pilipinas ang Murillo Map sa United Nations Tribunal on the Law of the Sea sa The Hague bilang katibayan na tunay na pag-aari ng Pilipinas Scarborough Shoal, na tinawag na Panacot noon at Panatag ngayon.
Sinabi ni Velarde na ang Murillo Map ay magsisilbing paalaala sa NOLCOM na ang Scarborough Shoal ay pag-aari ng Pilipinas. (Leandro Alborote)