INIHAYAG ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kabilang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) sa mga unang usapin na iimbestigahan ng Department of Justice (DoJ) sa pagsisimula ng administrasyong Duterte.
Magiging prioridad na programa rin ng DoJ ang mga kaso tungkol sa ilegal na droga. Kailangang kinisin ang maliliit na problema sa umiiral na proseso sa mga kaso ng ilegal na droga, na dahilan kaya maraming nakakasuhan ang nakakaligtas sa sentensiya, aniya. Ang malawakang digmaan laban sa droga ay ipinangako ni President-elect Duterte at paiiralin din ito sa field at sa mga korte.
Ngunit ang DAP, na naglabas ng bilyun-bilyong piso mula sa pondo ng gobyerno, ay masasabing kuwestiyonable, at ito ang partikular na tututukan ng DoJ sa pagsisimula ng administrasyon makalipas ang Hunyo 30. Bago pa ideklara ng Korte Suprema noong 2014 na labag sa batas ang DAP, nakapaglabas na ang Malacañang at Department of Budget and Management (DBM) ng P144 bilyon mula sa pondo ng DAP simula 2011 hanggang 2013.
Idineklarang ilegal ang DAP sa tatlong aspeto. Sa kalagitnaan ng taon, nilikom nito ang mga hindi nagastos na pondo para sa mga proyekto, na taliwas sa pakahulugan ng batas sa savings. Inilipat-lipat nito ang ilang natipid na pondo ng gobyerno sa iba’t ibang kagawaran, na isang paglabag sa batas tungkol sa cross-border fund transfers. Pinondohan din nito ang ilang programa na hindi saklaw ng budget na inaprubahan ng Kongreso, na paglabag din sa pangunahing prinsipyo na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihan sa pagtatakda ng pondo.
Kalaunan, inimbestigahan ng Ombudsman ang mga paggastos ng DAP at nagpasyang maghain ng technical malversation charges—hindi graft—laban kina Budget Secretary Florencio Abad at Undersecretary Mario Relampagos, ngunit hindi isinama si Pangulong Aquino dahil maaari lamang siyang i-impeach, at hindi maaaring sampahan ng kasong kriminal, at ang malversation ay hindi maaaring gamitin sa impeachment.
Kapag isinagawa na ng bagong DoJ ang sarili nitong pagsisiyasat sa DAP, bubusisiin nito ang sitwasyon ng nakabimbing kaso ng malversation na ito. Maaaring palawakin nito ang imbestigasyon hanggang sa umano’y paggamit sa pondo ng DAP sa paglilitis sa Senado para mapatalsik sa puwesto ang yumaong si Chief Justice Renato Corona.
Sa isinahimpapawid na panayam sa kanya noong nakaraang linggo, sinabi ni incoming Justice Secretary Aguirre na inatasan siya ni President-elect Duterte na huwag palulusutin ang kahit na sino kaugnay ng maling paggamit sa DAP.
“Duterte told me that charges should be filed, no matter who gets hurt. There should be no selective justice,” aniya.
Sinabi naman ni Presidential Communication Secretary Herminio Coloma, Jr. na buong tapat na tumalima si Pangulong Aquino sa Konstitusyon at sa mga batas ng bansa bilang tugon sa mga katanungan kung handa ang Presidente na ipagtanggol ang sarili at ang mga tauhan nito kaugnay ng DAP.
Kahit na sa usaping ito lang ng DAP, ang mga susunod na buwan ay magiging kritikal na panahon hindi lang para sa mga kinauukulang opisyal, kundi higit para sa mamamayan na bumoto para sa pagbabago sa nakalipas na halalan.